41

May 18, 2021 @ 20:37
By

Gobyerno, Maynilad, Manila Water nagkaayos na

Inihayag ni Justice Secretary Menardo Guevarra na sumang-ayon ang dalawang water concessionaire na i-waive ang panalo nito laban sa gobyerno.

Ayon kay Guevarra, nakahanda rin ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Maynilad Water Services Inc. na lumagda sa nirebisang water concession agreement ngayong Mayo 18.

“Like the other concessionaire, Manila Water Co. Inc., Maynilad will also sign an official waiver of its arbitral award to terminate all related proceedings,” saad ni Guevarra.

Ani Guevarra, halos pareho lang ang mga term na nakasaad sa revised concession agreement sa naunang deal sa pagitan ng MWSS at Maynilad.

Tinanggal aniya ay ang mga “onerous provision” gaya ng non-interference clause at pagpasa ng corporate income tax sa mga kostumer.

Maliban doon, pumayag din ang Manila Water at Maynilad sa tariff freeze hanggang Disyembre 31, 2022.

Matatandaang noong 2019 inatasan ng Singapore-based Permanent Court of Arbitration ang gobyerno na magbayad ng P3.4 bilyon at P7.39 bilyon sa Maynilad at Manila Water, ayon sa pagkakasunod, dahil umano sa nawalang kita at pinsala sa dalawang kompanya matapos pigilan silang magtaas ng singil ng pamahalaan. (IS)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?