43

Gobyerno may 3 pwedeng pagkuhaan ng dagdag-suweldo ng mga public nurse

Giniit ng isang mambabatas na posibleng taasan ang sweldo ng mga pampublikong nars kahit pa hindi ito nakapaloob sa inihaing badyet ng Department of Health para sa taong 2020.

Sa panayam sa CNN Philippines, may tatlong opsyon na binigay si AnaKalusugan party-list Representative Mike Defensor. Isa na rito ang pagkuha sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund, gaya ng ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pagpapataas ng sahod ng mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines.

Pwede rin umanong magpasa ng isa pang salary standardization law sa susunod na taon, at pwede ring magpasa ang Kamara ng supplemental budget para sa nasabing dagdag-sahod.

Dapat na umanong bigyang-pansin ng gobyerno ang pagpapataas ng sahod kung ayaw nitong maubos ang mga nagtatrabahong nars sa bansa.

“It’s not anymore a question [if] it is justifiable [o] dapat ba natin gawin ‘to? Of course everyone knows that nurses should be given better salary than what they’re getting now. There’s already a law, so we really need to come up with the fund to increase their salaries,” giit ni Defensor.

Sinaad din ng mambabatas na nasa 65,000 sa 500,000 rehistradong nars ang naiiwang nagtatrabaho sa bansa, dahil mas mataas ang sahod sa mga ito abroad.

Kamakailan lang, pinaboran ng Korte Suprema ang petisyon upang i-uphold ang Section 32 ng Republic Act 9173 o ang Philippine Nursing Act. Minamandato nitong hindi Salary Grade 11 kundi Salary Grade 15 ang kinikita ng mga government nurse, o mula P20,000 papuntang ₱30,000 minimum na sahod.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?