194

Aug 1, 2021 @ 15:57
By

Gobyerno mabilis maglabas ng anti-insurgency fund, pero ayuda wala – Drilon

Habang nagkakandarapa ang pamahalaan para sa special amelioration program o ayuda sa muling pagpapatupad ng lockdown sa Metro Manila at iba pang lungsod sa bansa, agad naman nailabas na ang lahat ng pondo para sa P16.3 anti-insurgency funds.

Ito ang pahayag ni Senate Minority Leader Franklin Drilon kung saan P4 na bilyon sa nasabing anti-insurgency fund ay napunta sa Davao region.

Ayon kay Drilon, mas makakabuti aniya kung ginamit na lang ang P16.3 bilyon para sa kinakailang ayuda ng mga pamilyang maapektuhan ng lockdown sa Metro Manila, gayundin sa lungsod ng Iloilo City, Cagayan de Oro City at Gingoog city sa Misamis Oriental.

Sa P4,000 ayuda kada pamilya, mahigit 4.2 milyong pamilyang Pilipino ang makikinabang nito sa muling pagpapatupad ng ECQ simula Agosto 6 hanggang Agosto 20 para makontrol ang pagtaas ng kaso ng Covid-19, kasama na ang Deltra variant.

“Nakakalungkot po na may pondo para sa anti-insurgency pero walang pondo para sa ayuda,” sabi ni Drilon sa panayam sa radyo.

Nauna nang itinulak ni Drilon ang pagsama ng pondo para sa special amelioration program sa 2021 national budget subalit hindi ito binigyan ng prayoridad ng gobyerno dahil mas inuna ang anti-insurgency.

“Hindi po nakinig ang pamahalaan,” sabi ni Drilon. “It is obvious that the government is giving priority to anti-insurgency over the need for ayuda and other health and social needs of our country necessary for us to move forward with our pandemic response,” diin nito.

Batay sa NTF-ELCAC anti-insurgency program, sinabi ni Drilon na nailabas na ng gobyerno ang huling sentimo ng naturang kontrobersyal anti-insurgency fund.

Sa loob ng apat na buwan, naibigay na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuhang P16.3 bilyon para sa Barangay Development Program ng NTF-ELCAC.

“Noong March, P3.3 billion; noong April ay P7.68 billion; noong Mayo P2 billion; noong Hunyo P3.41 billion. Mayroong P4B billion po na napunta sa Davao region baka makalimutan natin,” ani Drilon, base sa datos mula sa DBM.

“Ngunit itong ayudang kailangang-kailangan natin, wala tayong pera,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?