10

Mar 4, 2021 @ 19:22
By

Gobyerno hindi dapat isuko mga ecozone – Imee

Sadyang mapangahas ang patakaran ng mga economic manager ng bansa na ipaubaya na sa pribadong sektor ang inisyatibo sa paglikha ng mga economic zone para makahikayat ng mga foreign investment, ayon kay Senadora Imee Marcos.

Nadiskubre ang patakarang ito sa pagdinig ng Senate committee on economic affairs noong Miyerkoles kung saan tinalakay ang mga panukalang batas para sa pagtatayo ng mga bagong ecozones at freeports sa Ilocos Norte, Cavite, Surigao del Sur at Sarangani provinces.

Sinabi ni Marcos, chair ng nasabing komite, na nabuking niya sa hearing na nasa 84 ecozone sa bansa mula pa noong 2016 ang inisyatiba pala ng pribadong sektor, ayon sa testimonya ng Philippine Economic Zone Authority (PEZA).

“So ang 84 ecozones pala ay gawa ng pribadong sektor at wala ni isang ginawa ang ating mga economic managers? Kawawa!” sabi ni Marcos.

Sinabi din ni Department of Finance (DOF) policy and research director Juvy Datufrato sa pagdinig na intensyon ng ahensya na ipakarga o ilipat na sa pribadong sektor ang pinansyal na pasanin ng gobyerno.

Dahil dito, nanghinayang si Marcos dahil mwawalan ng pagkakataon na kumita at makalikha ng maraming trabaho lalo na sa mga malalayong probinsya, dahil sa nasabing pagtanggi na sa mga lokal na pamahalaan na nagnanais na makapagtayo ng ecozones.

Sa report ng UNCTAD World Investment noong 2020, lumitaw na mula sa $8.7 billion noong 2017 nabawasan o mas bumaba pa sa $5 billion noong 2019 ang foreign direct investment (FDIs) sa Pilipinas.

“Ikumpara natin yan sa pagtaas naman ng FDIs sa iba pang Asean nation na tulad ng Indonesia, Malaysia, Cambodia, lalo na ang Vietnam na kumita ng nasa $16.1 billion,” ayon kay Marcos.

“Paliit ng paliit ang bayong ng foreign investment sa Pilipinas, pero hindi nakitang solusyon ng economic managers natin ang mga ecozone sa panahon na gipit na gipit at kapos sa kita ang gobyerno. Kailangan nating mabawi ang ating mga pagkalugi,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?