51

Oct 17, 2017 @ 12:55

Gobyerno, ‘di dapat hostage ng transport strike

Dapat maglatag ng agarang contingency plan ang gobyerno bilang tugon sa transport strike.

Ayon kay Eastern Samar Rep. Ben Evardone, bagama’t kapuri-puri na iniisip ng Malacañang ang kapakanan ng mga estudyante at mga empleyado sa pagsuspinde ng klase at pasok sa trabaho, hindi rin magandang tingnan na parang walang magawa ang gobyerno sa tigil-pasada.

Sabi ni Evardone, nagpapahiwatig ito sa publiko na bukod sa suspensyon ay wala nang ibang kayang gawin ang pamahalaan para tugunan o maibsan ang epekto ng transport strike.

Dagdag pa ng kongresista, hindi lang naman pag-aaral ng mga estudyante at serbisyo ng gobyerno ang naaapektuhan kundi maging ang financial services at stock market.

Hindi aniya tamang paralisado ang gobyerno sa ganitong sitwasyon at nadadamay pa ang ekonomiya dahil lamang sa strike ng ilang grupo ng transportasyon.

“It is fortunate that the transport strike is not being supported by other organized sectors like labor and students. Otherwise, it would be a bigger problem for the administration,” sabi ni Evardone. (Pearl Serrano)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?