8

Aug 12, 2020 @ 12:25
By

Gobyerno ‘di aasa sa libreng bakuna – Roque

Mag-aangkat ang gobyerno ng sapat na bakuna kontra COVID-19 at hindi aasa sa libreng ibibigay ng Russia.

Ito ang nilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque matapos ianunsiyo ng Russia na mayroon na silang natuklasang bakunang pangontra sa COVID-19.

Ayon kay Roque, bagamat nagsabi ang Russia na bibigyan nila ng bakuna ang Pilipinas, hindi mangangahulugang lahat ng mamamayan ng bansa ay makakakuha nito.

Nakaplano na ang gobyerno na bibili ng 20 milyong bakuna sa sandaling mayroon nang mabilhan nito.

“Hindi natin inaasahan na completely libre yan. Ang sabi ni Presidente ay mukhang yung offer sa kanya ay libre muna, pero hindi lahat malilibre. Tayo naman po ay meron ding plano na mag-angkat ng 20 million vaccines para sa pinakamahirap na Pilipino,” ani Roque.

Naunang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bibigyan ng Russia ang Pilipinas ng libreng bakuna subalit hindi nilinaw kung ito ay para sa buong populasyon ng Pilipinas na nasa mahigit isang daang milyon.

Tiniyak ni Roque na handa na ang Department of Health (DOH) para ipatupad ang protocols para sa pagbakuna sa mga Pilipino.

“Meron kasi tayong protocols kung sino ang mauuna , kasama ang frontliners talaga diyan, mga below 59 and above 21 pero tingin ko handa ang DOH na ipatupad ang protocol kapag nandiyan na ang bakuna,” dagdag ni Roque.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?