17

Mar 11, 2020 @ 18:40

Gobert sa mga referee: Aba’y pumito naman kayo!

Nanggagalaiti si Utah Jazz center Rudy Gobert sa ejection niya kontra Toronto Raptors noong Lunes.

Kung hindi raw aayusin ng referees ang kanilang trabaho sa susunod, siya na ang gagawa ng paraan.

Ayon sa defensive stalwart, napipi raw ang pito ng referees nang tangkain siyang sikuhin sa mukha ni OG Anunoby.

Hindi rin daw niya alam kung bakit siya na-eject gayung hindi naman siya gumanti.

“(Anunoby) tried to elbow me in the face. And the guy who’s getting paid to protect the players didn’t do his job,” ani Gobert, mula kay Eric Walden ng Salt Lake Tribune.

“We both get ejected when I didn’t do anything back, which I don’t understand. Next time I’ll do justice myself so (they) can eject me for a reason.”

Sa dulo ng fourth quarter, nakita nina Gobert at Mike Conley ang tangkang paniniko ni Anunoby. Nagreklamo ang dalawa sa referees pero hindi umaksiyon ang officials hanggang nagkatulakan sina Gobert at Anunoby.

Napaghiwalay agad ang dalawa at parehong pinatalsik.

Pareho silang tumagal ng 32 minutes sa loob. Nagsumite si Gobert ng 6 points, 4 rebounds at 1 block, may 7 points, 5 rebounds at tig-isang assist, steal at block si Anunoby.

Nanalo ang Raptors 101-92 sa likod ng tig-27 points nina Serge Ibaka at Pascal Siakam.

Nanguna ang 20 points ni Joe Ingles sa Jazz.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?