24

By

Gobernador sa Cotabato abswelto sa kasong graft

Sharing is caring!

Inabswelto ng Sandiganbayan si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa kasong graft kaugnay ng pagbili ng fuel ng provincial government sa gasolinahang pagmamay-ari umano ng kanyang ina noong 2012.

Sa 35-pahinang desisyon, sinabi ng anti-graft court na bigo ang prosekusyon na magpakita ng ebidensya para patunayang ginamit ni Taliño ang kanyang posisyon para paboran ang gasolinahan ng kanyang ina para mag-suplay ng fuel para sa heavy equipment na ginagamit sa infrastructure projects.

Ayon sa korte, ang Bids and Awards Committee (BAC) ng provincial government at hindi ang gobernador ang pumili ng supplier matapos ang isinagawang canvass sa iba’t ibang gasolinahan sa lalawigan.

Gayundin, naipakita umano ng kampo ni Taliño sa proseso ng paglilitis na isa lamang ang presyo sa mga basehang ginamit ng BAC sa pagpili ng supplier dahil ikinunsidera rin ang volume capacity, layo sa project site, at pagsunod sa regulasyon.

“It should be emphasized that the accused did not chose which mode of procurement should be used in the purchase of fuel. It was the Bids and Awards Committee through its Resolution No. 0855… that recommended for the purchase of fuel through direct contracting,” saad sa ruling ng korte.

Sinilip ng prosekusyon ang umano’y partiality at evident bad faith sa panig ng gobernador nang aprubahan ang BAC resolution sa pagbili ng fuel sa pamamagitan ng alternative mode of procurement kung saan isinasantabi ang public bidding.

Pero nilinaw sa desisyon ng Sandiganbayan na pinapayagan sa ilalim ng batas ang alternative mode of procurement para hindi mangahulugan na depektibo ang procurement kung walang public bidding.

Sinabi rin sa ruling na base sa BAC documents ay hindi nakalagay ang pangalang Taliño Shell Station o Noemi Taliño nang isumite ito para pirmahan ng gobernador.

“The presumption of regularity of the action of the BAC must prevail. In approving the BAC Resolution, she did not violate any provision of the Procurement Law. This also shows that lack of any evidence …to prove manifest partiality and evident bad faith of the accused,” ayon sa Sandiganbayan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?