33
views

By

Gobernador ng Aklan, 16 iba pa, inasunto sa Boracay mess

Sharing is caring!

Ipinagharap ng reklamong katiwalian sa Ombudsman si Aklan Governor Florencio Miraflores at 16 iba pang opisyal ng munisipalidad dahil sa kapabayaan umano sa pamamahala sa isla ng Boracay.

Kinasuhan ni Interior and Local Government Assistant Secretary Epimaco Densing III si Miraflores ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act at kasong administratibo na grave misconduct, gross neglect of duty, conduct unbecoming of public officials at conduct prejudicial to the best interest of the service.

Kabilang din sa reklamo sina Malay, Aklan Mayor Ciceron Cawaling, Vice Mayor Abram Sualog, mga miyembro ng municipal council, provincial environmental officers at barangay officials na nakatalaga sa Boracay.

Ani Densing, nagpabaya umano si Miraflores na siguruhin ang kalinisan ng popular na isla.

May kasalanan din umano ang Malay officials dahil naman sa pag-iisyu ng business permits na pabor sa mga establisyimento sa Boracay kahit kulang ang mga ito ng sapat na dokumento gaya ng Fire Safety and Building Code.

Ayon pa kay Densing, ang kasong isinampa ay patikim pa lamang dahil patuloy pang tinitingnan ng Commission on Audit ang mga environmental fee na nakolekta sa isla sa nakalipas na limang taon.

Nauna rito, pinapanagot ng DILG ang mayor ng Malay sa paggamit umano ng nasa P1 bilyong environmental fee na nakolekta sa nakalipas na 10 taon mula sa mga turistang bumibisita sa isla.

Kaugnay nito, isinara ang Boracay noong Abril 26 para isailalim sa pagsasaayos at paglilinis matapos tawagin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isla na “cesspool” o tapunan ng basura.

Sinabi rin ng Pangulo na sa oras na buksang muli ang Boracay, nais niya na maliit na parte na lamang ng isla ang ilaan para sa mga turista at ang kabuuan nito ay gawing land reform area para sa original inhabitants.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?