608

Nov 25, 2019 @ 17:16
By

Go sa Phisgoc-Cayetano: Hindi madadaan sa sorry ang kapalpakan sa SEAG

Pinitik ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (Philsgoc) sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Alan Peter Cayetano bunsod ng ilang kapalpakan ng mga ito ilang araw bago ang aktuwal na pagdaraos ng 30th Southeast Asia (SEA) Games.

“Bakit nangyari ang mga ganito? Hindi apology ang kailangan natin ngayon. Hindi ito madadaan sa apology lamang. Ang kailangan ay gisingin lahat. Huwag papatay-patay,” pahayag ni Go sa kanyang privilege speech nitong Lunes.

Nauna rito, umamin si Cayetano, chairman ng Philsgoc, na may sablay sila sa mga samu’t saring problemang dinanas ng football team mula sa Timor-Leste, Myanmar at Cambodia.

Humihingi ng paumanhin ang Philsgoc sa naturang mga bansa dahil sa hassle na naranasan nila dahil sa problema sa transportasyon at hotel arrangement.

Ginawa ng Philsgoc ang pahayag kahit inihayag nilang 90% nang kumpleto ang kanilang preparasyon sa pag-host ng nalalapit na SEA Games na magsisimula sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.

“Anim na araw na lang po at opening na ng Southeast Asian Games at may ilang laro na nagsimula na. May ilang bisita at manlalaro na ang nagsisidatingan. Kaya dapat maayos na ito, sabi ni Go.

Sabi ng senador, naibigay naman ang kinakailangang pondo para sa pag-host ng SEA Games kaya’t walang dahilan para sabihing hindi handa ang Philsgoc.

“Noong naghahanda tayo for Southeast Asian Games, may kanya-kanyang mandato ang gobyerno. Ang Office of the President, Senate, at Congress, nagbigay ng lahat na kakailanganing pondo at suporta para sa hosting kung kaya Walang Rason para sabihin na hindi tayo handa,” ani Go.

“At kahit na may iba-ibang responsibilidad na nakatoka sa Phisgoc, sa PSC at sa POC, hindi ibig sabihin nito na wala na tayong pakialam sa isa’t isa. Huwag tayo magkanya-kanya,” sambit pa nito.

Ang Philippine Sports Commission kasama ang Department of Budget and Management ang pangunahing implementor ng pondo at public procurement aspect ng event.

Ang Philsgoc naman ang responsable sa pagpapalano at aktuwal na prepasyon habang ang Philippine Olympic Committee naman ang nagpapatakbo ng aspetong teknikal sa lahat ng palaro.

“Tandaan niyo, ang kapalpakan ng isa ay kapalpakan nating lahat. Let me remind everyone that you will be answerable to the President and most especially to the Filipino people,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?