22

Nov 19, 2021 @ 16:54
By

Go, Pacquiao handang magpa-drug test

Nakahanda ang dalawang presidential candidate na sina Senador Christopher “Bong” Go at Manny Pacquiao na sumailalim sa drug test para mapatunayang “fit” silang magserbisyo sa bansa at taumbayan.

“Katulad ng sinabi ko noon, kung ako ang tatanungin at kung ‘yan ang gusto ng taumbayan — anytime, anywhere ay willing naman ako magpa-drug test,” pahayag ni Go.

“Kahit hindi naman required ito ng batas, willing akong mag-volunteer na magpa-drug test. Ito ay para maipakita natin sa mga botante na fit for public service ang mga tumatakbo,” dagdag pa nito.

Ginawa ni Go ang pahayag matapos ibunyag ni Panulong Rodrigo Duterte noong Huwebes na isang kandidato sa pagka-pangulo ang gumagamit diumano ng cocaine.

“Karapatan ng mga mamamayang Pilipino malaman na malinis ang mga kandidato bago sila pumili ng mga mamumuno sa kanila. Wala dapat tinatago para makapili nang tama ang taumbayan!” ayon pa kay Go.

Samantala, sinabi naman ni Pacquiao na kahit anong oras at saang lugar ay nakahanda siyang magpa-drug test.

“Although I’m not in a position to judge anyone on this issue, I am willing to undergo drug test anytime and anywhere. Sana ganyan din ang ating mga kapwa kandidato. Mas maganda kung hair follicle test para mas sigurado,” sabi ni Pacquiao sa isang statement.

Kung mahalal na pangulo, iginiit naman ni Pacquiao na magiging requirement ang pagpapa-drug test sa lahat na gustong pumasok sa gobyerno.

“Mandatory drug test must be required for anyone who wants to work in government, elective or appointed,” ani Pacquiao.

“This will be a requirement in my administration without prejudice sa mga na-rehabilitate at talagang iniwanan na ang bisyo. Lahat naman po ay may karapatan na magbagong-buhay,” sambit pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?