15

Jul 18, 2021 @ 19:47
By

Go nanawagan palakasin border control vs Delta variant

Dapat palakasin ng Philippine Coast Guard ang maritime patrol, partikular sa mga backdoor entry sa Mindanao para mapigilan ang pagkalat ng Delta variant na nagresulta ng pagtaas ng kaso ng Covid-19 sa kalapit na bansa sa Southeast Asia, ayon kay Senador Bong Go.

“May nagsabi po na four times more contagious o 40% to 60% na nakakahawa itong Delta variant at ‘wag na nating hintayin pang kumalat ito sa ating bansa. Kung maaari po ay paigtingin pa natin ang ating border patrol, lalo na via backdoor sa Mindanao,” sabi ni Go.

“Kita niyo ang nangyari sa Indonesia, tumaas ang kaso, magsasara na naman sila. Pag-aaralan din po ng gobyerno ang pagsasara sa mga travel po sa mga bansa na may tumataas na kaso,” dagdag nito.

Nauna nang pinagbawalan ng gobyerno ang pagpasok ng mga bisita mula sa Indonesia mula Hulyo 16 hanggang Hulyo 31. Ang naturang bansa ang bagong epicenter ng pandemya sa Asya.

Binigyang diin pa ni Go na hindi na magagawa ng gobyerno na maibalik ang community quarantine lalo na’t unti-unti na nakakabangon ang ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.

“Konting tiis na lang po, maganda ang takbo, may tendency kasi na kapag niluwagan, kumpiyansa na naman. Marami pong kababayan natin ang mawawalan ng trabaho kapag nagsara ang ekonomiya,” ani Go.

Tiniyan din ng chairman ng Senate health committee na babalik na normal ang buhay ng mga Pilipino sa oras na matamo na ang herd immunity sa bansa kaya’t hinimok nito ang mga Pilipino na magpabakuna para may proteksiyon ang mga ito laban sa coronavirus.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?