265

Nov 17, 2021 @ 14:32
By

Go: Marcos Jr.-Sara tandem ‘di binasura ng PDP-Laban

Pinabulaanan ni presidential aspirant at Senador Bong Go ang pahayag ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na tinanggihan ng PDP-Laban party ang kahilingan nito na suportahan ang kanilang tambalan ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tumatakbo sa pagka-pangulo.

“I will let the PDP leadership clarify these matters in due time. Alam ko naman po na wala kaming tinatanggihan. Being the administration party, we have always exerted efforts to reach out to those who are supportive of [President Rodrigo Duterte],” sabi ni Go sa isang statement.

Giit pa ng senador, personal umano niyang sinusuportahan ang vice presidential bid ni Mayor Sara.

“As I have said earlier, kung ako lang ang tatanungin, siya ang aking sinusuportahan sa pagka-Bise Presidente,” ani Go.

Nagpaliwanag pa ang senador tungkol sa paghain niya ng certificate of candidacy sa pagka-pangulo sa ilalim ng Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan (PDDS).

“We have joined the PDDS and have followed the internal rules and processes of both PDDS and PDP Laban. We are committed to the PDDS-PDP Laban alliance and will support the common candidates of both parties,” ayon kay Go.

Noong Martes, kinumpirma nina Marcos at Sara ang kanilang tambalan para sa pagka-presidente at bise presidente sa susunod na halalan.

Makakalaban ni Marcos si Go, na nauna nang naghain ng COC sa pagka-pangalawang pangulo sa ilalim ng PDP-Laban subalit pinalitan nito si Grepor Belgica bilang standard bearer ng PDDS.

Naghain naman si Pangulong Duterte ng kanyang COC sa pagka-senador sa ilalim din ng PDDS. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?