244

By

GMA, sumagot sa resulta ng imbestigasyon ng DOLE sa pagkamatay ni Manoy

Naghain ng kanilang Comment nitong Lunes ang GMA Network patungkol sa preliminary findings ng Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagkamatay ni Eddie Garcia.

Batay kay DOLE-National Capital Region Regional Director Sarah Buena Mirasol, tatlo umano ang naging paglabag ng GMA sa Implementing Rules and Regulations ng Occupational Safety and Health (OSH) Law sa nangyari sa beteranong aktor habang nagsu-shooting ng Kapuso teleserye.

Una umano ay ang kabiguan ng network na magsumite ng incident report sa loob ng 24 oras, mag-hire o magtalaga ng safety officer at kumuha o mag-designate ng isang certified First Aider.

Paliwanag ng GMA sa naging Comment nito, matapos umano nilang makumpleto ang isinagawa nilang thorough internal investigation, agad nagbigay ang network ng kopya ng resulta nito sa pamilya ni Manoy bilang respeto at matapos ay nagsumite rin umano sila ng kopya nito sa DOLE noong Hulyo 5, 2019 bilang pagtalima sa batas at sa IRR nito.

Kaugnay naman umano sa unang finding ng DOLE, sinabi ng GMA na nakasaad sa IRR, na ang isang kaso ng “work accidents resulting in disabling injury or death” ay exception sa requirement na dapat isagawa ang report “within 24 hours from the occurrence”.

Sa kabila nito, nag-submit ang GMA ng report “within one month from the accident” na nangyari noong Hunyo 8, 2019.

Kinumpirma rin ng GMA na may sapat silang bilang ng DOLE-certified safety officers na nangangalaga sa mga empleyado nito.

Ang “workplace” umano na sakop ng OSH Law ay “deemed to refer only to those places where services of the employees are regularly rendered”.

Hindi umano maaaring palawigin ang coverage na nakasaad sa IRR ng naturang batas sa mga temporary, moving, or shifting locations.

Pinananatili umano ng GMA ang safety at security sa mga taping nito sa pamamagitan ng extensive discussions sa pagitan ng mga safety officer, program’s officer, staff at contractor sa pakikipag-ugnayan sa mga barangay official na may sakop ng kanilang locations.

Tungkol naman umano sa pagtatalaga ng first aid responder, na-validate ng GMA na tatlong production staff, na nakapagtapos ng lecture demonstration sa First Aid at Basic Life Support ng Philippine Red Cross, ang nasa location site noong araw ng aksidente ni Garcia.

Pinabulaanan din ng GMA ang report ng isang online website na tumanggi ang network na sumunod sa direktiba ng DOLE na magbigay ng listahan ng mga location ng mga teleserye nito para mainspeksyon.

Paliwanag ng GMA, hindi agad naisumite ang listahan ng locations at schedules dahil sa pagiging tentativeness ng mga ito.

Siniguro naman ng Kapuso Network na patuloy silang makikipagtulungan sa DOLE hinggil sa insidente.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?