Napansin ng ilang netizen na suot ng mga GMA news broadcaster ang mga kulay ng ABS-CBN logo noong Martes ng gabi.
Habang umeere ang “24 Oras,” namataan sina TV anchors Pia Arcangel na naka-pula at asul na dress, Vicky Morales na nakaberdeng dress, at Atom Araullo na nakasuot ng blue suit.
Ang mga bilog sa ABS-CBN logo ang sumisimbolo sa tatlong pangunahing rehiyon sa Pilipinas: pula para sa Luzon, berde para sa Visayas, at asul para sa Mindanao.
Tanong ni Facebook netizen Robert Terranz noong Martes ng gabi, Pebrero 11: “Did… did the 24 Oras reporters really wear ABS-CBN’s theme colors??? Is this a coincidence??? Is this media solidarity??? My heart is soft. ?❣️”
Sa ngayong Huwebes, Pebrero 13, umani na ang post ng 8.9K reactions, 390 comments, at 4.3K shares.
Lunes naghain si Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema ng isang “very urgent omnibus motion” para ipawalang-bisa na ang prangkisa ng ABS-CBN, na umano’y nagsasagawa ng “abusive practices” at lumabag sa mga patakaran sa prangkisa.
Nanindigan naman ang TV giant na wala itong nilabag na batas at walang outstanding tax liability sa gobyerno.
Matatapos ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso 30, 2020, at nakabinbin pa rin sa ngayon ang mga panukalang batas sa pag-renew ng prangkisa ng TV network.