306

Mar 21, 2020 @ 14:23
By

GMA binatikos sa ‘no work, no pay’ scheme sa COVID-19

Tinuligsa ng Talents Association of GMA Network (TAG) ang umano’y misleading na pahayag ng GMA Network Inc., kung saan sinasabi nitong magbibigay ng tulong pinansiyal sa mga manggagawa nito dahil sa enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon sa TAG sa ulat sa website na Buhay Media, ang katotohanan umano ay nagpatupad ang network ng “no work, no pay” scheme sa mga staff nitong walang trabaho dahil sa lockdown.

Ito ang reaksyon ng TAG sa inilabas na pahayag ng GMA Network sa kanilang website noong Marso 19 na may titulong: “GMA gives aid to employees during enhanced community quarantine” kung saan nakasaad na: “All its employees will be getting their full salaries as well as the cash equivalent of their rice benefits. These are on top of the year-round medicine allowance and health card benefits accorded to all regular employees and their eligible dependents.”

Giit ng TAG, para lamang iyon sa mga regular na empleyado ng kumpanya.

Pagdating umano sa mga talent nakasaad na: “Talents and project employees will still be able to receive their salaries on March 25 and 30, respectively. In addition, a cash advance will be made available for them for their April 10 and 15 pay-outs.”

Kaya ang matatanggap lang umano ng mga talent ng GMA sa katapusan ng Marso ay kanilang sahod sa naipasok nila ng Marso 1-15.

Tumigil sa pag-ere ang GMA News TV noong Marso 19.

Bunsod nito, wala umanong pasok ang mga talent mula Marso 19 hanggang Abril 12 o hanggang matapos ang lockdown.

Bukod sa sahod na naipasok nila, matatanggap lang umano ng mga talent ay “cash advance”, na pinagandang salita lang para sa loan o utang.

Kaya sa hindi pagsasaere ng GMA News TV dahil sa Luzon lockdown, ang mga tauhan ng mga show na nakapaloob doon gaya ng Balitanghali ay walang trabaho nang halos isang buwan at wala ring sasahurin.

Karamihan umano ng mga tauhan sa GMA News TV ay mga talent at project employee gaya ng production assistant, video researcher, production researcher, writer at producer.

Kaya nanawagan ang TAG sa publiko na magsalita laban sa unfair labor practice ng GMA Network na karamihan umano ng mga empleyado ay mga talent at project employee na walang mga health card benefit pero pumapasok pa rin sa trabaho.

Pinaiimbestigahan din nila sa Department of Labor and Employment ang kanilang mga hinaing.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?