11

Apr 8, 2021 @ 14:04
By

Gloves ubos na, face mask ilang araw ginagamit – gov’t health worker

Kinakapos na ng kagamitan ang mga health worker sa mga pampublikong ospital habang patuloy ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Sa isang press conference online, Abril 6, binigkas ng ilang government medical frontliner ang saloobin nila habang kinakapos sila sa personal protective equipment (PPE) para sa pang-araw-araw nilang operasyon.

“Dahil hindi na puwede sa amin yung surgical mask, yung N95 na pinapagamit sa amin. Nakalagay sa memo na tatlong araw mong gagamitin ang N95,” lahad ni Benjamin Santos, isang staff member sa Philippine General Hospital.

“Ngayon, wala kaming mga gloves. Mago-opera ka ba nang wala kang gloves?” usisa naman ni Cristy Donguines, ang pangulo ng Dr. Jose Reyes Memorial Medical Center’s Employees Union.

“Kung wala tayong shortage sa PPE, bakit kailangang pabayaran sa mga pasyente? Ang face shield, kanina lang, nanggagalaiti na naman ako, kasi 30 na lang ang provision na natitira sa amin… Paano ka mago-opera, wala ring gasa? Yung N95 namin, imagine-in mo, kahapon, magkakaroon kami ng operation na CS, ang N95 namin, tatatlo na lang… Paanong tatlo, paghahatian ng anim na surgeon?” himutok pa niya.

As of April 7, umakyat na sa 158,701 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?