103
magdalo-gary-alejano
Jun 25, 2018 @ 14:42
By

Giyerang hindi napaghandaan

Hindi na nakapagtataka kung nagbunga ng kawing-kawing na problema ang giyera kontra-droga at ang kampanya laban sa mga tambay ng pambansang kapulisan dahil kulang ito sa kaukulang paghahanda at komprehensibong pagpaplano.

Mula noong simulan ni Pangulong Duterte ang giyera kontra-droga, halos kada buwan ay libo-libo ang nadadakip na pinaghihinalaang sangkot sa ilegal na droga, kaya lalong sumikip ang mga dati nang masikip at nanlilimahid na mga bilangguan, lalo na sa Kamaynilaan.

Lalo pang lumala ang problema dahil hindi magkandaugaga ang mga pulis sa pagdakip ng mga “tambay” diumano kahit na ito’y hindi pinahihintulutan ng batas.

Ang mga ipiniit dahil lang sa pagiging “tambay” ay nagkakandahawa na sa sakit ng ilan sa mga kasamang preso sapagkat siksikan na sa loob ng selda na pangkaraniwa’y para lamang sa 40 katao.

Bukod pa dito, nalalagay rin sa panganib ang ilang mga bilanggo na hindi naman na lubos na natututukan ng mga warden dahil labis-labis na sa kapasidad ng selda. Sa kaso ng QCPD Station 4, na may higit 100 bilanggo, namatay sa bugbog si Genesis “Tisoy” Argoncillo. Napakalagim na kapalaran para sa isang taong basta na lang hinatulan ng pagiging “tambay”.

Tumaas diumano ng 75 porsyento ang bilang ng mga bilanggo magmula nang simulang ang giyera kontra-droga.

Alam ng tanang kapulisan at ni Pangulong Duterte ang kalagayan ng mga bilangguan sa bansa bago pa man maluklok ang administrasyong ito, ngunit hindi nila naisipang magtaguyod ng karagdagan pang mga pasilidad at paigtingin ang wastong pamamahala ng ating mga piitan. Basta na lang nagsipaghuli ng limpak-limpak na mga suspek kahit na wala na halos pagsidlan ang mga ito.

Paliit din ng paliit ang mga budget para sa pagkain ng mga preso dahil sa biglang pagdami ng mga nakapiit. Nagkakasakit na tuloy ang marami sa mga bilanggo.

Natambakan na rin ng trabaho ang mga korte kaya nagtatagal sa kulungan ang mga wala naman talagang sala. Kung minsa’y inaabot sila ng taon bago makalaya, yun ay kung hindi sila abutan ng kamatayan sa malaimpyernong kalagayan ng ating mga bilangguan.

Kung naging malupit ang administrasyong Duterte sa 23,000 na nasentensyahan ng agarang kamatayan sa kasagsagan ng giyera kontra-droga, ay hindi pahuhuli ang kalupitan ng admnistrasyon sa mga nasa bilangguan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?