56
Cherry May Felicidario Regalado
By

Ginto pa sa Pilipinas sa Asian Games Test event

Sharing is caring!

Dinagdagan ni Cherry May Felicidario Regalado ng isa pang gintong medalya ang delegasyon ng Pilipinas matapos nitong angkinin ang kanyang pinakaunang panalo sa Pencak Silat Seni Category Tunggal sa 18th Asian Games Invitation Tournament sa Jakarta Indonesia.

Itinala ni Felicidario ang kabuuang 461 puntos mula sa limang hurado sa mga iskor na 155, 153, 153, 154 at 154 upang biguin ang mula Brunei na si Norleyermah Hajiraya na may 154-154-152-155-152 para sa kabuuang 460 puntos at Tounee Vilaysack ng Laos na may 143-151-147-145-151 para sa kabuuang 443 puntos.

Ang ginto ay nagsilbing ikalawang medalya sa kampanya ng Pilipinas sa walong araw na torneo matapos naman unang magwagi ng pilak sa Men’s Double ang magkapatid na sina Almohaidib at Alfau Jan Abad.

Nauna nang nagwagi ng tansong medalya sa Pencak Silat sina Alvin Campos sa Men’s Class E: 65kg to 70kg at si Glenn Gunan sa Men’s Class F: 70kg to 75kg.

Nakasiguro naman ng pilak na medalya ang Rio de Janeiro Olympian na si Rogen Ladon matapos nitong biguin sa semifinals ng Men’s Flyweight (52kg) si Kritiphak Duangnut, 5-0, upang tumuntong sa kampeonato na isasagawa ngayong hapon sa JIE EXPO Kemayoran Hall C sa Jakarta.

Itinala ni Ladon ang mga iskor na 30-27, 30-27, 30-27, 29-28 at 30-27 mula sa limang hurado upang tabunan ang naging kabiguan ni Riza Pasuit sa featherweight ng women’s division matapos itong lumasap ng split decision sa iskor na 1-4 kontra kay Shashi Chopra ng India sa mga iskor na 29-28, 27-30, 28-29, 27-30 at 28-29.

Nakatakda pa naman sumagupa sina Ryan Boy Moreno sa Men’s Bantam (56kg) Semifinal 2 kontra Ryomei Tanaka ng Japan at si Sugar Rey Ocana kontra S Dhinesh Kumar ng Singapore para sa Men’s Light Welter (64kg).

Samantala’y kinilala naman si Nesthy Petecio bilang nagwagi sa ASBC online voting at Best Boxer sa nilahukan nito na Asian Boxing Confederation Indian Open Tournament sa New Delhi, India.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?