29

Sep 8, 2021 @ 13:05
By

Ginawang batas ng mga senador inismol ni Duterte

Interesado si Pangulong Rodrigo Duterte na malaman kung anong magandang batas ang nagawa ng mga senador para sa bansa.

Sa kanyang Talk to the People, sinabi ng pangulo na pabalik-balik lang ang mga senador subalit wala siyang matandaang magandang batas na nagawa para sa mga Pilipino at sa bansa.

Tinanong ng presidente ang publiko kung mayroon ba silang nakitang magandang batas o magandang nagawa ang mga senador para sa kapakanan ng sambayanan.

“Kung maniwala kayo sa kanila matagal na yan sila eh. Pareho kami, ako lang mayor, sila mga senador. Pabalik ng pabalik ng pabalik yan sila, tanungin ko kayo may nakita ba kayo na magandang batas na nakatulong sa bansa? What spectacular achievement have they achieved or have had achieved in the past going to the present?” anang pangulo.

Kung gusto aniya ng publiko ng pagbabago, ang pinaka-madaling gawin ay ilista ang pangalan ng mga gusto nilang magsilbi sa bayan at alisin na ang mga puro ingay at porma lang.

“But itong mga senador, hindi nyo ba nakita sila lang. Kasi kayo magboto ang nasa isip lang kasi ninyo, kung gusto ng pagbabago o ayaw mo na sa kanila all you have to do is to get hold of that sample ballot and write it down. Hindi na kayo nagsawa diyan sa kanila?” dagdag ng pangulo.

Humingi naman ng paumanhin si Pangulong Duterte sa publiko kung sa tingin ay nagkulang ito sa kanyang pagganap sa trabaho, pero tiniyak na tinupad niya ang kanyang sinumpaan bilang pangulo ng bansa.

“Kung sabihin ninyo na ako ang nagkulang, eh sorry. Ginawa ko ang lahat ko, kung ang lahat ko kulang pa, patawad po yan lang talaga ang kaya ko.I will not be there for the longest time, pero sabihin ko sa inyo yung oath of office ko, talagang tinupad ko,” wika ng pangulo.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?