194

Aug 3, 2021 @ 15:00
By

Ginawa ko ‘yung best ko: Nesthy hagulgol sa dumulas na gold

Emosyonal si Olympic silver medalist Nesthy Petecio nang bigong masungkit ang ikalawang gold medal ng Pilipinas sa kompetisyon.

Sa kabila ng dikit na laban, naitakas ni Sena Irie ng Japan ang unanimous decision win sa women’s featherweight final sa Tokyo Olympics nitong Martes.

“Sobrang thankful ako kay Lord dahil hindi niya ako pinabayaan sa taas ng ring…dalawa kami ng kalaban ko. Sobrang honor ako na i-represent ang Pilipinas. Naiyak po ako kasi nanghihinayang po ako para sa mga coaches ko,” sambit ni Petecio matapos ang laban.

“Gusto ko sanang ialay kay coach Nolito (Velasco) po. Pero kinulang po tayo. Ginawa ko po ‘yung best sa taas ng ring po. Humabol po ako,” dagdag niya.

“Humihingi po ako ng pasensya kung silver lang ang naiuwi ko… ginawa ko ‘yung lahat ng makakaya ko kanina,” patuloy niya at hindi na napigilang mapahagulgol.

Pero para kay Petecio, hindi pa tapos ang laban at hahabulin pa rin niya ang gintong medalya sa Paris 2024 Olympics. 

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?