137
arestado
Oct 30, 2017 @ 14:58

Ginang, timbog sa pagnanakaw ng kandila

Arestado ang isang ginang matapos mahuling nagnakaw ng mga gamit kabilang na ang kandila, sa loob ng department store ng isang kilalang mall sa Marikina City kamakalawa ng gabi.

Nakilala ang suspek na si Jhenina Roxane Virgo, 25-anyos, residente ng Elizabeth St., Sta. Teresita Village, Barangay Malanday, Marikina City.

Naganap ang insidente bandang alas-8:30 ng gabi sa 2nd floor ng department store ng SM Marikina.

Batay sa report, napansin ng security guard na sina Carlo Pascual de Guzman at Marivic Lagura Baring, kapwa mula sa Mandurriao Star, Inc. ng SM Marikina na abala ang suspek sa pamimili hanggang sa mapansin nila na tila lumalaki ang ginang na parang may isinisilid sa loob ng damit.

Hanggang sa makita nila na papalabas na ang suspek at agad nila itong hinanapan ng resibo subalit walang maipakita ang suspek.

Nakulimbat ngunit nabawi rin sa suspek ang ilang piraso ng damit, laruan, gels, kandila, eco bag at shoulder bag.

Kasalukuyang nakakulong ang suspek at nahaharap sa kasong theft sa Marikina Prosecutor’s Office. (Vick Aquino)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?