327

By

Ginang namatay sa CR ng KFC

Sharing is caring!

Natagpuang patay ang 44-anyos na ginang sa loob ng comfort room ng isang kilalang fastfood chain sa Cubao, Quezon City kamakalawa.

Ang biktima ay kinilala sa pamamagitan ng kanyang identification card na si Gina Perez, 44-, residente ng 2036 F. B. Harrison St., Pasay City.

Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District (QCPD)- Cubao Police Station 7, dakong alas-9:00 ng umaga nang madiskubre ang ginang na wala nang buhay sa loob ng CR ng Kentucky Fried Chicken na matatagpuan sa Telus Bldg., Gen. McArthur Avenue, malapit sa kanto ng Gen. Araneta Avenue, sa Brgy. Socorro, sa Cubao.

Ayon kay Raquel Rizo, 31-anyos, store manager ng KFC, matagal na umanong nakapila ang mga kostumer sa CR ngunit hindi nagbubukas ang taong nasa loob nito kaya kinatok umano nila ang pintuan ngunit walang sumasagot.

Sapilitan nilang binuksan ang pintuan ng CR at dito na bumulaga ang katawan ni Perez na tila walang malay. Itinawag nila sa Brgy. Socorro rescue team ang insidente ngunit patay na ang biktima.

Batay sa kuha ng CCTV ng fastfood chain, dakong alas-8:36 ng umaga nang makitang pumasok ang ginang sa KFC at dumiretso na sa CR ngunit hindi na ito lumabas pa hanggang sa madiskubreng patay na ito.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang sanhi ng ikinamatay ng biktima. ()

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?