101

Dec 16, 2017 @ 10:54
By

Ginang na sumigaw todas sa holdaper

Isang ginang ang nasawi habang nasugatan naman ang isang binatilyo nang tamaan ng ligaw na bala makaraang sumigaw ang biktima upang humingi ng tulong habang hinoholdap ng armadong riding-in-tandem na biglang namaril sa Barangay Mapulang Lupa, Pandi, Bulacan kamakalawa.

Hindi na umabot nang buhay sa pagamutan ang biktimang si Cecilia Anatallio, 54, at nakatira din sa nasabing bayan, bunga ng tinamong bala sa katawan habang nasugatan naman ang isang 15-anyos na binatilyo nang tamaan ng ligaw na bala dahil sa pamamaril ng mga suspek na mabilis na tumakas lulan ng motorsiklo.

Nabatid na kasalukuyang bumibili ng ulam na panghapunan ang biktimang si Anatallio kasama ang kanyang anak sa isang tindahan sa Barangay Mapulang Lupa, Pandi nang biglang lapitan at holdapin ng riding-in-tandem at puwersahang kinuha ang kanyang pera at personal na kagamitan.

Dahil sa matinding takot ay napasigaw at humingi ng tulong ang biktima ngunit bigla na lamang siyang pinagbabaril ng isa sa dalawang suspek at tinamaan naman ng ligaw na bala ang binatilyo na natiyempong nasa lugar ng holdap. Isinugod pa ang biktima sa pagamutan sa bayan ng Sta. Maria ngunit nasawi rin ito.

Hindi pa matiyak ang halaga ng natangay sa biktima habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya upang makakuha ng impormasyon sa pagkakakilanlan sa dalawang holdaper na nagsisimula nang mambiktima sa lalawigan habang papalapit ang Kapaskuhan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?