161

Dec 13, 2017 @ 16:55
By

Ginang kritikal nang martilyuhin ng BFF

Nasa kritikal na kondisyon ang isang 38-anyos na babae matapos na atakehin ng kanyang matalik at matagal nang kaibigan at walang habas na paghahampasin ng martilyo sa Navotas City kamakalawa ng hapon.

Sa ulat ni Navotas City Police Deputy Chief for Operation Supt. Ferdinand Balgoa, ganap umanong alas-3:30 ng hapon nang mangyari ang insidente sa loob ng bahay ng biktimang si Irene Palumar, sa Block 22, Phase II, Area 1 Barangay North Bay Boulevard South ng nasabing lungsod.

Abala sa pagpapaligo ng kanyang anak na babae ang biktima nang dumating ang suspek na si Princess Joan Turla, ng Block 21 ng nasabi ring lugar, na armado ng isang martilyo at walang sabi-sabing pumasok sa bahay ng biktima at pinaghahampas ito sa kanyang ulo at iba pang bahagi ng katawan sa harap ng anak ng biktima.

Bagamat sugatan na ay nagawang makahingi ng saklolo sa kanyang mga kapitbahay ang biktima na mabilis namang natulungan at naisugod sa Tondo Medical Center.

Binitbit naman ng mga concerned citizen ang suspek sa himpilan ng Navotas City Police Community Precinct 4 kung saan narekober ang martilyong ginamit nito na may dugo pa ng biktima.

Sa himpilan ng pulisya ay natauhan ang suspek at itinanggi ang ginawa.

Aniya, wala umano silang away o hindi pagkakaunawaan ng kanyang kaibigan kaya’t hindi magagawa ang saktan ito ngunit sa kabila ng paliwanag ay sasampahan ng kasong frustrated homicide ang suspek na ngayon ay nakakulong na sa Navotas City detention cell at nakatakda ring patignan sa espesyalista sa utak. (Cherk Balagtas)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?