soco4
By

Ginang binurdahan ng saksak sa mukha ng manugang, anak sugatan

Sharing is caring!

Dahil sa matinding selos, tinadtad nang saksak sa mukha ang isang ginang ng kanyang manugang sa hininalang kinukunsinti ang kanyang anak na babae na may ibang ka-relasyong lalaki, habang sugatan naman ang anak na lalaki ng una na umawat sa bayaw sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ni P/ Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Quezon City Police District (QCPD), ang biktima na si Myrna Ubongen, 47-anyos, street sweeper, biyuda at residente ng No. 19-A Caragay St., Brgy. Damayan, Quezon City.

Ang biktima ay namatay habang isinusugod sa Quezon City General Hospital sanhi ng tinamong maraming saksak ng patalim sa mukha.

Ang anak naman ng biktimang si Raymart Ubongen, 24, dishwasher ay kasalukuyang ginagamot sa nasabi ring ospital matapos na masaksak din nang nagwawalang bayaw na nakilalang si Louie Masangkay, 33-anyos, naninirahan sa No. 288 San Vicente Macabebe, Pampanga.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 George Caculba, ng CIDU, dakong alas-3:10 ng madaling araw ay nasa kahimbingan nang pagkakatulog ang mag-ina nang magising si Raymart at nakitang pinagsasaksak sa mukha ang kanyang ina ng kanyang bayaw.

Mabilis na sinaklolohan ni Raymart ang ina na noon ay duguan na ang mukha, subalit sinaksak din siya ng suspek kaya lumabas ng bahay ang una na bagamat may tama din ng saksak sa katawan ay humingi ng tulong sa mga barangay tanod.

Subalit pagdating sa bahay ng mga tanod ay nakatakas na ang suspek at nakita ang duguang mukha ng ginang kaya agad na isinugod sa nasabing ospital.

Nabatid na iniwan ng anak na babae ng biktima ang asawang suspek at sumama umano sa ibang lalaki at sa pag-aakala ni Masangkay na kinukunsinti ng kanyang biyenan ay ito ang pinagdiskitahan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?