125

Aug 10, 2019 @ 15:21
By

Gilas nabawian ng Congo

Ilang araw matapos na sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi mananalo ang naghahanda na Gilas Pilipinas sa makakalaban na Italy ay nakatikim agad ng kabiguan ang koponan sa pagsisimula ng kampanya sa Torneo de Malaga kontra Congo, 82-71, Sabado ng umaga sa Pabellon Martin Carpena sa Malaga, Spain.

Kinapos ang mga Pinoy sa krusyal na yugto dahil sa sobrang pagkapagod kung saan sinamantala ng Congolese para makalayo sa pagbuhos ng matinding shooting sa three-point range para ihulog ang kalaban sa labanan para sa ikatlong puwesto.

Nagpakita ng mainit na laro ang rookie na si Robert Bolick sa pangunguna sa Pilipinas sa tinipon na 21 puntos mula sa 3-of-5 shooting from three-point range.

Nakatulong nito si naturalized player Andray Blatche na may 15 bagaman napigilan ito sa ikalawang hati ng laro.

Nag-ambag si CJ Perez ng 11 puntos at si Paul Lee ay may walo para sa Gilas na nagawa pang hawakan ang 28-20 sa ikalawang yugto.

Siyam na manlalaro lamang ang nagamit ni national coach Yeng Guiao dahil hindi pa makabawi si Gabe Norwood sa natamo na mild groin strain na nangyari sa unang laban ng koponan kontra Congo.

“Gabe’s absence was felt tonight. We lacked the height and the length to compete against Congo,” sabi ni Gilas deputy coach Ryan Gregorio.

Ang kabiguan ay una ng mga Pinoy sa tatlo nitong laro sa isinasagawa nitong 10-araw na training camp bilang paghahanda nito sa pagsabak sa FIBA World Cup sa Foshan, China.

Winalis ng Gilas ang dalawang scrimmage nito kontra Congo (102-80) at Ivory Coast (94-83) sa Guadalajara nakaraang linggo bago nagtungo sa Malaga para sa mini pocket tournament na kasali ang World no. 2 Spain.

Napigil din ang asam ng koponan na makasagupa ang host country na binubuo nina Marc Gasol, Ricky Rubio, at iba pang NBA players sa huling araw ng tornedo dahil ang magwawagi sa pagitan ng Spain at Ivory Coast ang sasagupa sa Congo Sabado ng gabi.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?