42

Jul 21, 2021 @ 12:02
By

Giannis nagbuhat, Bucks kampeon!

Tinapos ng Milwaukee Bucks ang 50 taong tagtuyot sa NBA title matapos ibulsa ang 105-98 panalo sa game 6 kontra Phoenix Suns nitong Miyerkoles (oras sa Pilipinas).

Binuhos ni Giannis Antetokounmpo ang isa na namang makasaysayang laro kung saan bumuga siya ng 50 points, 13 rebounds at limang supalpal.

Ang Milwaukee pa lamang ang ika-limang koponan sa kasaysayan ng NBA finals na nakabalik sa isang 0-2 deficit.

Sinorpresa rin ng substitute na si Bobby Portis ang lahat sa kanyang 16 points sa loob lamang ng 23 minuto.

Tabla ang iskor sa 77-77 sa simula ng fourth period ngunit nanaig ang tikas ni Greek Freak sa ilalim na sinamahan pa ng kanilang mala-pader na depensa para maiuwi ang korona.

Umiskor naman si Khris Middleton ng 17 points, habang 12 points at 11 assists naman ang ambag ni Jrue Holiday.

Pinangunahan ni Chris Paul ang Suns sa kanyang 26 points, ngunit bigong makuha ang una niyang titulo sa 17 taong karera. Si Devin Booker naman ay kumana ng 19 points.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?