715

Dec 25, 2017 @ 19:34
By

GF pinatay sa saksak ng BF sa Araw ng Pasko

Sa halip na masayang magsalo sa noche buena, tinadtad ng saksak hanggang sa mapatay ang isang babae ng hindi nakilalang lalaki na hinihinalang nobyo nito matapos ang mainitang pagtatalo sa Bagbag footbridge sa Quezon City, kahapon ng alas-12: 10 ng hatingggabi.

Ayon kay Supt. Rodelio B. Marcelo, hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District Quezon City (CIDU-QCPD), nakilala ang biktima sa pamamagitan ng kanyang Unified Multi-Purpose ID na si Aileen Pasilang Papaya, nasa hustong gulang at residente ng No. 112 Pineapple Road, Potrero Malabon.

Si Papaya ay namatay habang isinusugod sa Quezon City General Hospital sanhi ng tinamong maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang tumakas ang hindi nakilalang lalaki na tinatayang nasa edad 25-30, medium built, at nakasuot ng jacket.

Sa inisyal na imbestigasyon ni PO3 Anthony R. Tejerero, ng CIDU-QCPD, sinabi umano nina Ricky Belen at Liza Cenetono, kapwa vendors sa Bagbag foot bridge na matatagpuan Quirino Highway, Brgy. Bagbag, nangyari ang krimen dakong alas-21: 10 ng hatingggabi.

Nakita umano ng mga nabanggit na vendors ang biktima at ang kasamang lalaki na tila nag-aaway at nagtatalo habang tumatawid sa footbridge sa nasabing lugar.

Makalipas lamang ang ilang minuto ay narinig umano nila na sumisigaw ang babae at humihingi ng saklolo. Pagkatapos ay nakita naman nila ang suspek na tumatakbong papatakas.

Dahil dito ay inireport ng mga vendors ang kanilang nasaksihan sa mga tanod sa nasabing barangay at agad namang nagresponde sina Cesar Ambita, Zenaida Official at Annabel Liporad.

Pagdating ng mga tanod ay natagpuan na nila ang duguang nakahandusay na katawan ng babae, kaya isinugod nila sa ospital subalit namatay din ito.

Hinihinala naman ng pulisya na posibleng magkasintahan ang biktima at ang suspek, gayunman kanila pa ring aalamin kung ano ang tunay na relasyon ng dalawa upang madakip ang nakatakas na suspek.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?