83
Gerald Anderson umalalay sa Marikina kontra Pasay
By ,

Gerald Anderson umalalay sa Marikina kontra Pasay

Inalpasan ng Marikina Shoemasters ang Pasay Voyagers sa sarili nitong balwarte 71-69 sa Maharlika Pilipinas Basketball League Datu Cup Miyerkoles ng gabi sa Cuneta Astrodome.

Bumandera para sa Shoemasters si dating PBA player Erwin Sta. Maria na kumana ng 21 puntos at siyam na rebounds, habang bumakas ng 15 puntos si Juanito Ular.

Umariba rin si Ryan Castelo na may 11 puntos, walong boards at limang assists at ang celebrity baller na si Gerald Anderson ay may ambag na walong puntos.

Ito naman ang ikawalong panalo ng Marikina sa 22 na asignatura at ngayon ay kasosyo na nito sa 10th – 11th spot ang Paranaque Patriots sa Southern division ng torneo.

Tuluyan naman nagpaalam sa playoffs ang Voyagers sa pagkatalong ito at ngayon ay tangan nito ang 7-17 na win-loss record.

Sa unang laro naman, naitakas ng Bacoor Strikers ang panalo kontra Imus Bandera, 90-79, para itala ang 11-9 na baraha nito.

Mahigpit na depensa ang naging susi ng Strikers para maselyuhan ang panalo nang magawa nitong mapigilan na maka-opensa ang Bandera sa huling 2:52 na laro.

Nagsabwatan sina Gab Banal at Rocky Acidre nang magtala ito ng tig-16 na puntod at tulungan ang tropang payukuin ang Bandera.

Ito naman ang ika-12 talo sa 21 laro ng Imus ang ngayon ay kasosyo na nito sa seventh to eight spot ang Zamboanga Rapidos sa Southern division.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?