1,248

Jun 19, 2020 @ 15:34

Gay actor niresbakan sa pamimintas

Alam ng aming mga impormante kung bakit aktibo ngayon sa social media ang isang dating male personality na nagbagong-anyo at pangalan na.

Sobra-sobra ang kanyang kalungkutan, may kakambal pang galit na nararamdaman ngayon ang nasabing personalidad, nag-iisa na nga naman siya sa buhay ngayon ay wala pa siyang nararamdamang malayuang suporta mula sa kanyang pamilya.

Ayon kay Source A, “Napakalungkot ng buhay niya na napakalayo sa family niya. Marami namang paraan para siya masuportahan, ano ba namang kumustahin man lang siya ng pamilya niya?

“Pero walang kahit sinong nagpaparamdam sa family nila, para bang kinalimutan na siya, parang itinakwil na ba siya dahil sa buhay na pinili niyang makapagpapasaya sa kanya?

“‘Yun ang dahilan kung bakit siya nagkakaganyan, naghahanap siya ng pagmamahal, hinahanap niya ang pagkalinga at pagtanggap na unang-unang dapat manggaling sa mga kadugo niya,” unang komento ng impormante.

Lalo pang nagwarla ang dating male personality na may kakaiba nang buhay ngayon dahil kaibigan ng isang miyembro ng kanilang pamilya ang isang gay personality na kinaiinisan niya.

Sabi ni Source B, “‘Yun ang totoo! Masyado siyang nasasaktan dahil kaibigan pa ng isang kapamilya nila ang gay personality na dating namimintas sa kanya.

“Ayan tuloy, nabaling ang galit niya du’n sa gay personality, binuhay niya na naman ang mga lumang isyung ibinato kuno sa kanya nu’ng isa!

“Hanggang hindi niya nararamdaman na suportado siya ng mismong pamilya niya, e, wala siyang pupuntahan kundi ang pagiging bitter. Marami siyang makakaaway!

“Akala natin, e, maayos na ang sitwasyon nila ng family niya, pero hindi pa rin pala, kaya ganu’n na lang ang galit niya sa mundo!

“Wala siyang magagawang maganda, wala siyang makikitang maganda, hari man na nakaupo sa trono, e, naghahanap pa rin ng suporta at pagmamahal ng pamilya niya!” madiing pagtatapos ng aming source.

Alden nambulabog

Maaksiyon na uli ang buhay ng Pambansang Bae. Kung dati’y nakakulong lang siya sa bahay at lumalabas lang para asikasuhin ang mga pangangailangan ng kanilang pamilya ay balik-trabaho na siya ngayon.

Nagbalik na sa ere ang Eat… Bulaga!. Araw-araw na uli silang nagtatawid ng isang libo’t isang tuwa sa buong bansa. Hindi maaaring kalimutan ni Alden Richards ang noontime show na gumawa ng milagro sa kanyang career dahil sa tambalan nila ng Dubsmash Queen.

Pero binulabog na naman ng guwapong aktor ang buong bayan dahil sa ipinost niyang larawan ng kanyang katawan. Ngayon ay maliwanag na ang retrato, nakaharap na rin siya, kaya kitang-kita na kung ilang packs na ang resulta ng kanyang seryosong pagdyi-gym.

Pagdating sa disiplina ay nangunguna si Alden Richards. ‘Yun ang dahilan kung bakit sinasaluduhan ng kanyang mga katrabaho ang pagiging professional niya.

Mahusay siyang magsalansan ng mga prayoridad niya sa buhay. Ang kanyang pamilya, ang kanyang karera, ang pakikisama niya sa kapwa na hindi niya kinalilimutan ganyan man kalaki ang kanyang pangalan.

Magtatagal pa nang maraming-maraming taon sa kanyang propesyon si Alden Richards. Hindi sa lahat ng panahon ay ipinanganganak ang sikat na artistang hindi feeling-artista.

Hindi lahat ng binibiyayaan ng pagkakataong sumikat ay marunong makaalala sa kanilang pinanggalingan, sa mga dati nilang kaibigan, iilan lang ang maituturing nating hindi nalulunod sa popularidad na hinahawakan nila.

Sa iilang personalidad na ‘yun ay kabilang si Alden Richards.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?