28

Jul 16, 2021 @ 18:53
By

Gavina nakamit unang panalo sa Rain or Shine

AGAD na ipinalasap ng Rain Or Shine Elasto Painters ang unang panalo sa bagong coach nito na si Chris Gavina matapos na itakas ang mahigpit na 83-82 panalo kontra NLEX Road Warriors sa ikalawang laro ng Philippine Cup sa ika-46 taon ng Philippine Basketball Association Biyernes sa Ynares Sports Center sa Pasig City.

Isang pull-up jumper ni Rey Nambatac sa 2:39 minuto at hook shot ni Beau Belga sa ika-56 segundo ng laro ang sinandigan ng Elasto Painters upang maitakas ang unang panalo at makisalo sa pagkapit sa liderato kasama ang Alaska Aces na nagwagi sa unang laro.

“Pinaghirapan talaga namin ito. Nagpapabalik-balik kami sa Batangas sa praktis. Matagal namin pinaghandaan ito at medyo napagpag namin agad sa first half ang matagal na talagang laro kaya masaya kami sa panalo,” sabi lamang ni Nambatac na nagtala ng 19 puntos dagdag ang walong rebounds at dalawang assists.

Isang tres ni Kiefer Ravena sa huling 19 segundo ang nagdikit sa laro sa 83-82 at may pagkakataon pa sana ang Road Warriors na ipanalo ang laro matapos maagaw ang bola sa huling 10 segundo.

Gayunman, hindi nagawang maipasok ni Anthony Semerad ang jumpshot upang malasap ng NLEX ang unang kabiguan sa torneo.

Nag-ambag si Belga ng 17 puntos pitong rebounds at limang assist. (Lito Oredo)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?