21

Dec 7, 2020 @ 12:32
By

Gatchalian sa TRB chief: Mag-resign ka na!

Nanawagan si Senador Sherwin Gatchalian sa pinuno ng Toll Regulatory Board (TRB) dahil sa kapalpakan ng pagpapatupad ng cashless payment sa mga expressway na nagresulta sa matinding pagsisikip ng trapiko nitong nagdaang mga araw.

“Talaga hong ang TRB hindi ho gumagana. Kung sino man ang head niyan e dapat na hong magbitiw at ibigay na lang ho yan sa isang marunong at alistong mamumuno,”pahayag ni Gatchalian sa panayam sa Teleradyo.

“Kaya ho umabot sa ganitong punto ay dahil nga hindi ho ito inasikaso to ng mga huling pagkakataon. Para sa akin ho, malaki ang pananagutan nito (TRB),” dagdag nito.

Nauna nang nagbabala ang senador na maaring mawala ang conession ng mga toll operator kaugnay nang palpak na implementasyon Radio-Frequency Identification (RFID) cashless payment system.

Pinarerebyu din ni Gatchalian ang concession agreement sa pagitan ng gobyerno at ng mga toll operator kaugnay ng posibleng paglabag sa pagpapatupad ng RFID.

“Nakasaad po sa kapangyarihan ng TRB na kung ang public interest ay nasa alanganin po ay pwede pong kanselahin po yung kontrata. Tandaan ho natin, itong toll road ho ay pribiliheyo na binigay po natin sa operator,” sabi ni Gatchalian.

“Kung ang magandang serbisyo po ay wala at perwisyo ho ang inaabot ho natin, e kapangyarihan din ho ng taumbayan na tanggalin ang kontrata na yun,” diin pa ng mambabatas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?