8

Apr 25, 2021 @ 14:24
By

Gatchalian: Problema sa internet access lutasin

Para makabangon ang sektor ng edukasyon mula sa mga pinsalang dulot ng COVID-19, isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian ang pagpapalawig ng access sa internet at mga gadget para sa mag-aaral na nangangailangan nito.

Ginawa ng senador ang pahayag matapos lumabas sa Pulsi Asia survey na mahigit animnapung (63) porsyento ang may anak o inaalagaan sa basic education. Maraming mga magulang ang nagsabing internet at kawalan ng gadgets ang problemang nararanasan nila sa distance learning.

Higit apatnapu’t tatlong (43) porsyento sa kanila ang nagsabing paputol-putol ang kanilang internet connection, higit tatlumpu’t anim (36) na porsyento ang nag-ulat na wala silang gadgets sa bahay, at tatlumpung (30) porsyento naman ang nagsabing namamahalan sila sa gastos sa internet.

Lumabas sa survey ng Pulse Asia na dito rin pinakalaganap ang suliranin sa paputol-putol na internet (55 porsyento) at mataas na gastos sa internet (47 porsyento).

Bagama’t hindi masyadong laganap ang kakulangan ng gadgets sa NCR (28 porsyento), mas laganap naman ito sa ibang bahagi ng Luzon (41 porsyento), Visayas (33 porsyento), at Mindanao (34 porsyento).

Sa 2019 National ICT Household Survey naman mahigit walumpung (82.3) porsyento ng mga sambahayan ang walang internet.

Ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (95.5 porsyento) at Region IX (93.8 porsyento) ang may pinakamataas na bilang ng mga sambahayang walang access sa internet.

Noong 2020, inihain ni Gatchalian ang isang panukala para sa paglalagay ng cell site sa mga pampublikong paaralan upang mapalawig ang access at paggamit ng internet sa buong bansa.

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng Public Education Network (PEN), nagkasundo ang Department of Education (DepEd) at Department of Information and Communications Technology (DICT) na patayuan ng mga common towers ang mga pampublikong paaralan.

Balak din ni Gatchalian na maghain ng isang panukalang batas upang mabigyan ang mga mag-aaral sa bansa ng laptop at internet allowances.

“Sa gitna ng ating pagsisikap na ipagpatuloy ang edukasyon sa panahon ng pandemya, nakita natin na ang gadgets at internet ay para na ring tubig at kuryente para sa ating mga mag-aaral at kanilang mga pamilya,” sabi nito.

“Sa pagbangon ng sektor ng edukasyon mula sa pandemya, dapat pagsikapan natin na walang mag-aaral ang mapag-iiwanan dahil lang hindi sila konektado sa internet o kaya naman ay wala silang magamit na gadgets para sa pag-aaral,” saad pa ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?