7

May 6, 2021 @ 14:00
By

Gatchalian: Problema contact tracing sagabal sa balik face-to-face class

Hindi magiging ligtas ang pagbubukas ng mga paaralan para sa limited face-to-face class kung magpapatuloy ang mga isyu sa contact tracing sa bansa, ayon sa babala ni Senador Sherwin Gatchalian.

Sa rekomendasyon ng United Nations Children’s Fund (UNICEF), dapat may aktibong sistema para sa surveillance o contact tracing sa mga local government unit (LGU).

Bukod diyan, dapat ding limitahan ang mga face-to-face class sa mga lugar na mas mababa sa five percent ang positivity rate at wala pang 10 kaso ng COVID-19 kada 100,000 katao sa nakaraang pitong araw.

Nauna nang hinikayat ni Gatchalian noon ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gumamit ng unified contact tracing system.

Bagama’t inanunsyo ng Malacañang na handa na ang rollout ng StaySafe.ph, ibinahagi naman ni contact tracing czar Benjamin Magalong na ang opisyal na contact tracing application ng pamahalaan ay tinanggihan ng Department of Health (DOH) at pinag-aaralan pa ng Department of Interior and Local Government (DILG).

“Mahigit isang taon na simula noong tumama ang pandemya sa atin ngunit patuloy pa rin ang mga isyung kinakaharap natin sa contact tracing,” sabi ni Gatchalian.

“Paano natin matitiyak ang kaligtasan ng mga guro at mga mag-aaral kung hindi sapat ang ating sistema para matukoy kung sino ang mga nanganganib na magkasakit,” pahayag ng chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Sa Adopted Resolution No. 92 na isinulong ni Gatchalian at inaprubahan ng Senado noong Marso, inirekomenda ng mga senador na magkaroon ang mga Provincial, Municipal, at City School Board ng awtoridad na magsagawa ng limited face-to-face classes at magpatupad ng mga selective at localized lockdown.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?