3,718

Dec 21, 2020 @ 13:04
By

Gatchalian: Paninira sa pamilya ko panlihis sa traffic issue

Sabi ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, isang kasinungalingan ang sabi-sabi hinggil sa kanyang pamilya na kumalat habang maugong ang isyu hinggil sa mabigat na trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX).

Kumalat kasi sa Viber na pinagkainteresan umano ng pamilya Gatchalian ang isang-ektaryang lupain sa lungsod na pag-aari pala ng Maynilad. Binili umano ito ng huli ng P100 milyon pero ang alok lang umano ng pamilya ay P500,000.

“Kasinungalingan ‘yan. Walang katotohanan,” bigkas ng alkalde sa ABS-CBN’s Teleradyo, Lunes.

Punto ni Gatchalian, ang tinutukoy na property ay in-expropriate ng lokal na pamahalaan mula sa isang dating konsehal para gawing polytechnic college.

Doon na lang aniya napag-alaman sa korte na ang lupa ay pagmamay-ari pala ng Maynilad.

Ang Maynilad at NLEX Corp. ay parehong nasa ilalim ng MVP group of companies.

“Pinalalabas nila na pamilya ko ang bumili, pero city government ng Valenzuela ang magtatayo ng paaralan doon… Ang pakiwari ko, nililihis nila ang atensiyon ng tao sa tunay na isyu: ‘yung traffic na dinudulot dito sa toll plaza ng NLEX,” bigkas ng alkalde.

“I think, hindi dapat ma-distract at hindi dapat malihis ang atensiyon ng taumbayan sa totoong isyu, ‘yung traffic na dinudulot dito at naghahanap tayo ng solusyon,” dagdag niya.

Samantala, tinanggi na ni Metro Pacific Investments Corp. chairman Manuel V. Pangilinan na galing sa kanila ang kumalat na pahayag.

Magugunitang sinuspinde ni Gatchalian ang business permit ng NLEX operator na MPIC matapos magdulot ng trapiko ang hindi maayos na cashless system nito. Kamakailan ay inalis ang kanselasyon, matapos mangako ang pamunuan ng tollway na gagawan ng aksiyon ang trapiko sa lugar.

Samantala, nagbabala ang alkalde na wala nang mangyayaring negosasyon at ibabalik ang suspensiyon kapag hindi naayos ng NLEX Corp. ang sistema nito sa mga toll plaza pagsapit ng Enero 30, 2021.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?