33

Dec 19, 2020 @ 15:33

Gatchalian: Pagtaas ng barrier sa mga toll plaza, nakaluwag ng trapiko

Nagagalak si Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na simula nang matauhan aniya ang North Luzon Expressway (NLEX) Corporation at nakinig sa mga obserbasyon nila at inihaing resolusyon lalo na iyong pagtaas ng mga barrier ay naging maayos ang daloy ng trapiko sa lungsod.

Ibig sabihin ay itataas at patuloy nang nakataas ang mga barrier sa Valenzuela City mula alas-5:00 ng umaga hanggang alas-10:00 ng gabi.

“Hindi katulad noong unang panahon dahil nakababa ang barrier ay hindi nababasa nung sensor ‘yung mga sticker e nagtsa-chacha ‘yung mga sasakyan at napakatagal bago makatagos. Minsan ilang minuto na nandoon ka pa rin,” ani Gatchalian sa panayam sa PTV nitong Sabado.

“Ngayon pinasa natin ‘yung burden na ‘yun sa NLEX. Obligasyon nila na kung confident naman sila sa mga scanner nila dapat set na naka-barriers up through and through lang ‘yung traffic. Mula nung mag-agree tayo hanggang ngayon napaka-smooth ng trapik sa Valenzuela. Wala talagang bottleneck kahit rush hours,” dagdag ng alkalde.

Paliwanag ni Gatchalian, kaya nilagyan ng oras ang pagtaas sa mga barrier ay para na rin sa kaligtasan, batay sa payo ng Metropolitan Manila Development Authority pati na ng NLEX.

“Sa oras na ‘yun kasi kakaunti naman talaga ang bumibiyahe puro malalaking trak na ‘yan. Worry natin dahil sa dilim, baka mag-overload ‘yung mga trak at samantalahin ‘yung pagkakataon rumagasa sa NLEX mahulog naman, mag-tipped over, magkaaksidente pa,” lahad ni Gatchalian.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?