19

Apr 25, 2021 @ 18:32
By

Gatchalian: Maganda gag order kay Parlade

Pinasalamatan ni Senador Sherwin Gatchalian ang pag-isyu ng gag order ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. sa dalawang tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos ang red-tagging sa mga organizer ng community pantry.

Ito’y matapos iugnay nina Lt. Gen. Antonio Parlade at Presidential Communications Operations Office (PCOO) Undersecretary Lorraine Badoy si Ana Patricia Non, organizer ng Maginhawa community pantry sa komunistang grupo.

“Maganda ito [gag order] dahil nagkakaroon ng hidwaan, nagkakaroon tayo ng pagkakahiwalay-hiwalay dahil sa kanyang mga statements. Statements ni General Parlade,” pahayag ni Gatchalian sa panayam sa DZBB.

“Ang puno’t dulo naman talaga nito, si Parlade ang problema. So kaya tayo nagkakaganito at nagkakaroon ng hidwaan dahil sa kanyang mga alegasyon na walang basehan,” dagdag pa nito.

Ayon kay Gatchalian, wala namang basehan ang mga alegasyon ni Parlade nagreresulta lang pagkasira ng imahe ng institusyon na kanyang kinabibilangan.

“Of course, dumami ang kanyang pinagsasabi, tinawag niya ang organizer na Satanas. Pangalawa, tinawag niya ang mga senador na stupid. So dumami nang dumami na at nagkaroon na ngayon ng kumbaga ng hidwaan,” ani Gatchalian.

“Hindi maganda sa ganitong panahon na ang mga tao sa gobyerno ay nag-aaway-away at hindi maganda sa imahe ng ating pamahalaan,” wika pa nito.

Subalit sa kabila ng gag order na ipinataw ni Esperon kina Parlade at Badoy, tuloy pa rin umano ang pagsisiyasat sa pondo ng NTF-ELCAC.

“Kahit na ganitong may gag order, pagpapatuloy pa rin natin ang pagtingin sa budget na ito at ipagpatuloy ko pa rin po ang aming mungkahi na i-defund ang ahensyang ito,” sabi ni Gatchalian.

“Ang dahilan ko naman, ang aking first na dahilan dahil nawalan na tayo ng tiwala dito sa namumuno ng ahensya lalo na kay General Parlade. Hindi maliit na pondo ang ibinigay natin. Hindi milyon kundi bilyon ang ibinigay natin dito. At inaasahan natin na ang mga namumuno diyan katulad ni General Parlade ay gagastusin ng maayos at hindi gagamitin sa pangha-harass,” saad pa nito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?