65

Feb 25, 2020 @ 13:13

Gatchalian: Diskriminasyon ng PNP sa mga estudyante, tigilan na!

Walang lugar sa sistema ng edukasyon ng bansa ang diskriminasyon sa mga mag-aaral ano man ang kanilang relihiyon o pinagmulan.

Ito ang paalala ni Senador Win Gatchalian sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng kumalat sa social media ang isang memorandum, kung saan ipinag-utos ng Manila Police District (MPD) ang pagkakaroon ng database ng mga mag-aaral na Muslim sa mga high school, kolehiyo, at mga pamantasan.

Sa nasabing memorandum, isinasagawa ang paglilista upang pigilin ang karahasan at panatilihin ang kapayapaan, bagay na binatikos ng mga Muslim group at ibang mga sektor.

Ayon kay Gatchalian, bagama’t ipinag-utos na ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na itigil na ang paglista sa mga mag-aaral na Muslim, isa umanong uri ng diskriminasyon ang naturang memo.

Aniya, iniuugnay ng memo ang mga Muslim sa karahasan at pinalalala lamang ang stigma na kanilang pinagdaraanan.

“Dapat ipatigil ng PNP sa buong bansa ang pagpapatupad ng ganitong klaseng mga kautusan,” ani Gatchalian.

Inilabas ang memo noong Enero 31 sa direksyon ni MPD chief Brig. Gen. Bernabe Mendoza Alba.

Nag-viral ang memo matapos itong ibahagi ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines sa kanilang Facebook page noong Pebrero 20.

Dipensa ni PNP Chief Police General Archie Gamboa, bahagi ang paglilista sa mga community affairs development program ng pulisya. (Dindo Matining)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?