47

Oct 30, 2017 @ 12:15

Gastos sa safeguard ng mga balota sa ibang bansa, pinasasalo sa Comelec

Ipinasasalo ng Presidential Electoral Tribunal (PET) sa Commission on Elections (Comelec) ang gastos ng mga diplomatic post ng Pilipinas sa ibang bansa na nangangalaga sa kustodiya ng mga election material na ginamit noong May 2016 elections.

Ang PET ay binubuo ng 15 na mahistrado ng Korte Suprema.

Ginawa ng PET ang paglilinaw sa inisyu nitong desisyon na nagbabasura sa hinihinging bayad ng Comelec na umano’y tumalima lamang sa ipinalabas na precautionary protection order (PPO) ng PET noong Hulyo 12, 2016.

Ayon sa PET, walang batayan ang argumento ng Comelec na sa ilalim ng PPO ay iniutos nila na huwag ibiyahe sa Maynila ang mga election material at paraphernalia mula sa hindi bababang 20 Philippine diplomatic posts.

Ang PPO ay inisyu ng PET kasunod ng electoral protest na inihain ni dating senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.

Paglilinaw ng PET, ang iniutos nila sa Comelec ay tiyakin ang integridad ng mga balota at election paraphernalia, at hindi nila ipinagbawal ang pagbiyahe ng mga ito patungong Maynila.

“The PPO directed the Comelec and its agents to preserve and safeguard the integrity of the ballots and other paraphernalia used in the 2016 elections for the position of Vice President. There is nothing in the PPO that prohibited the physical transfer of the election materials and paraphernalia; the Comelec was merely required to preserve and safeguard their integrity,” ang bahagi ng resolusyon ng PET.

Ang resolusyon ay nag-ugat sa liham ni Director Maria Lea Alarkon ng Comelec Office for Overseas Voting kaugnay ng bayarin para sa storage ng mga poll materials mula sa Philippine foreign posts kabilang na ang Hong Kong na ang gastusin ay umabot na sa HK$90,000 at sa New York na ang bayarin ay naitala na sa US$24,768.50. (Maricel Diaz)

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?