25

Jun 10, 2021 @ 21:05
By

Garin dismayado sa ‘di ginamit na donasyong respirator ng DOH

Dismayado ang mga mambabatas sa ginawang pagtanggi at hindi paggamit ng Department of Health (DOH) ng mga donasyon mula sa mga kompanya ng sigarilyo kahit makatutulong ito na labanan ang COVID-19.

Sa pagdinig ng House Committee on Good Government and Public Accountability, nagtanong si AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin sa DOH kung nagbigay ng donasyon sa gobyerno ang mga non-government organizations (NGOs) na kalaban ng mga kompanya ng tabako para malabanan ang COVID-19.

Wala umanong ibinigay ang mga ito ayon kay DOH-Bureau of International Health Cooperation (BIHC) Director Maria Solidad Antonio.

“Is that why you also refused the donations of mga respirators, mga ambulance from the tobacco companies?” sunod na tanong ni Garin.

Sinabi ni Antonio na sumusunod lamang ang DOH sa Joint Memorandum Circular (JMC) 10-001, na nagbabawal na tumanggap ng donasyon mula sa tobacco companies.

Ang JMC 10-001 ay pinirmahan ni Health Secretary Francisco Duque III noong siya pa ang chairperson ng Civil Service Commission.

“We are prioritizing the advocacies of these NGOs rather than the health of our people in times of emergency ganun ba yun mam? That’s so distorted naman department of health tayo eh,” sabi ni Garin.

Tinatalakay ng komite kung nakaimpluwensya ba sa mga inilabas na polisiya ng DOH ang donasyon ng mga NGO na tutol sa sigarilyo.

“We refused Mr. Chair donations of machines, donations of… even vaccines ayaw nga natin tanggapin eh basta from tobacco (company). We refused to accept PPEs (Personal Protective Equipment) dahil galing siya sa tobacco (company) but at the same time all these NGOs that you are advocating for DOH, has not given us anything (to fight COVID),” dagdag pa ni Garin.

Ganito rin ang ipinunto ni Deputy Speaker Deogracias Victor Savellano.

Sinabi naman ni CSC Commissioner Aileen Lizada na sumulat ang DOH sa CSC upang magtanong kung maaari nitong gamitin ang 370 respirators na donasyon ng isang kompanya ng tabako at kung hindi malalabag ang JMC.

Sinagot umano ng CSC ang sulat at sinabi nito na maaaring gamitin ang mga respirators.

Sa pagtatanong ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez lumabas na ang mga respirator ay nasa warehouse pa rin ng DOH hanggang ngayon.

“People are dying in the Philippines and yet because of JMC the DOH is not using them,” sabi ni Rodriguez.

Ayon kay Antonio ang nakagawa na ang DOH ng listahan kung saang ospital sa Metro Manila ibibigay ang mga respirator.

Ipinunto naman ni Rodriguez na noong Disyembre 11, 2020 pa sumulat ang DOH sa CSC. “We are now June, meantime many of our fellow Filipinos are sick of COVID they need respirators and you did not distribute them to our hospitals,” aniya.

Sinabi ni Rodriguez na maituturing na criminal negligence ang ginawa ng DOH.

“This could have saved lives already. I am really aghast by what has happened here. They have to answer for this Mr. Chairman,” dagdag pa ni Rodriguez. “The DOH did not perform its faction because they are just really really against an industry, the tobacco industry.”

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?