32
janette-garin
By

Garin bumuwelta kay Gordon

Sharing is caring!

Tinawag ni dating Health Secretary Janette Garin nitong Lunes si Senador Richard Gordon na “misinformed” ng mga naninira umano sa kanya sa isyung may kinalaman P3.5 bilyong dengue vaccination program na ipinatigil dahil sa usapin ng kaligtasan.

Sa kanyang pagharap sa pulong-balitaan sa lungsod ng Maynila, tinukoy ni Garin ang draft report ng Senate Blue Ribbon Committee na pinamunuan ni Gordon na nagsasabing kabilang siya sa dapat managot sa batas dahil sa pagpapatupad ng dengue immunization program gamit ang Dengvaxia vaccine.

Giit ni Garin, “misinformed” lamang si Gordon ng mga taong hindi naging masaya sa pagpasok niya sa Department of Health dahil sa kanyang pagpapatigil sa lahat ng uri ng korapsiyon.

Katuwiran ni Garin, ibinasura niya sa kanyang panunungkulan noon sa DOH ang mga kontrata na hindi naman pakikinabangan ng publiko.

Maliban kay Garin, inirekomenda rin sa committee draft report ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Benigno Aquino III at dating Budget Secretary Butch Abad.

Nanindigan pa ang dating Health secretary na hindi minadali ang pag-uusap hinggil sa anti-dengue immunization program, ito’y dahil sinimulan ito sa panahon pa ng kanyang pinalitan sa puwesto na si Enrique Ona at nagtapos sa termino naman ng pumalit sa kanya na si Paulyn Ubial.

Mahigit 830,000 na mga batang mag-aaral ang nabakunahan sa ilalim ng nabanggit na programa.

Sinuspinde ng gobyerno ang dengue vaccination program matapos aminin mismo ng Sanofi Pasteur, ang kumpanya na gumawa ng Dengvaxia vaccine, na may masamang epekto ang bakuna sa mga batang naturukan nito na hindi pa tinatamaan ng dengue.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?