296

Dec 15, 2017 @ 21:05
By

Garcia, todo-tanggi sa pag-pressure kay Ubial

Itinanggi ni House Deputy Speaker Gwendolyn Garcia ang alegasyon ni Health Secretary Paulyn Ubial na sinubukan umano siyang i-pressure ng kongresista para i-expand ang dengue vaccination program sa Cebu.

Depensa ni Garcia, ginagawa lamang niya ang trabaho noong budget deliberations nang isulong ang pagpapalawig ng programa sa kanilang lalawigan.

“Kung ipahinto mo ‘yan, are you not wasting funds? Hindi ba masasayang ito, and hindi maibigyan ng chance or opportunity ‘yung mga kabataan namin whose parents would not otherwise be able to afford [the vaccine]? Hindi nila makakaya yung P3,600 or P4,000 per dose,” paliwanag ni Garcia.

Inakusahan pa ng mambabatas si Ubial na pabago-bago ang isip sa implementasyon ng dengue vaccination program.

Ayon kay Garcia, bago pa naging kalihim ng DOH ay pabor si Ubial sa dengue vaccine pero kalaunan ay bumaligtad ito at pumirma sa resolusyon na nagrerekumendang ipatigil ang programa.

“Papano, kung i-hold mo ito, anong mangyayari doon sa perang naigasta na, na wala ka namang clear and unequivocal statement na this is dangerous…na baka harmful yan sa kabataan,” ani Garcia.

Giit ng kongresista, naghahanap na lang ng ibang masisisi si Ubial ngayong nakaladlad ito sa Dengvaxia controversy.

“Sana hindi niya paghanapan ng, shall we say, excuse, ‘yung kanyang pag-flip-flop, paiba-iba ng isip, because I think kung Secretary of Health ka, at talagang ‘yun ang paninindigan mo, buhay ng bata yung nasa kamay mo eh,” sabi ni Garcia.

“Siguro hindi naman yan acceptable na ‘pressure[d] lang ako kaya I agreed to the vaccine’. Even before she became Secretary she was already endorsing that. Eh ngayon, nag-iba yung isip niya…ano ba talaga ang stand niya, and now na naiipit siya, she’s looking for other people to blame,” dagdag ng kongresista.

Sa pagdinig ng Senado noong Huwebes, sinabi ni Ubial na tinangka siyang i-pressure ng ilang kongresista kabilang si Garcia at Iloilo Rep. Oscar Garin Jr. para palawigin ang dengue vaccination hanggang sa Central Visayas.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?