318

By

Garapalang dagdag-singil ng Prime Water-Villar gigisahin sa Kamara

MANILA – Pinasisilip ng mga militanteng kongresista mula sa Mabakabayan bloc ang umano’y garapalang 78 porsiyentong dagdag-singil na inihihirit ng Prime Water Corporation sa mga customer nito sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Base sa House Resolution No. 10 na inihain kamakailan ng Makabayan bloc, hindi umano makatarungan ang hirit ng Prime Water na P219.53 dagdag sa unang 10 metro-kubiko ng dadaloy na tubig sa mga kabahayan na kanilang sineserbisyohan sa San Jose del Monte City dahil sa palpak na serbisyo na binibigay ng kompanya, na pag-aari ng mag-asawang dating Senate President Manny Villar at Senadora Cynthia Villar.

Ayon sa Makabayan bloc, nakatanggap sila ng kaliwa’t kanang reklamo mula sa mga customer ng Prime Water sa San Jose del Monte, kung saan bukod sa maruming tubig na hindi pwedeng inumin at kakarampot lamang ang dumadaloy sa kanilang mga kabahayan, palpak din ang sistema nito pagdating sa singilan.

“There were complaints on the quality and supply of water provided by Prime Water, including the non-potable water, intermittent supply, and unreliable billing and meter reading system,” saad ng Makabayan bloc sa kanilang inihaing resolusyon.

Mula sa kasalukuyang P280 sa kada 10 metro-kubiko ay papalo sa P499.53 ang singil ng kompanya nina Villar sa mga residente ng San Jose del Monte pagdating ng taong 2027 kung papayagan ito ng Local Water Utilities Administration (LWUA).

Una nang napag-alaman sa 2018 annual audit report ng Commission on Audit na nakalalason umano ang sineserbisyong tubig ng Prime Water sa Guagua, Pampanga dahil sa mataas na level ng arsenic.

Ayon sa Makabayan bloc, dapat imbestigahan ng Kongreso ang mga sweetheart deal ng Prime Water at LWUA dahil bukod sa palpak nitong serbisyo ay nabigyan umano ng VIP treatment ang kompanya ng mga Villar.

Hindi bababa sa 30 local water district ang napasakamay ng kompanya ng mga Villar sa nakalipas na apat na taon gamit ang joint venture agreement sa ilalim ng public-private partnership program sa kabila ng umano’y palpak na customer satisfaction sa mga lugar na kanilang sineserbisyohan.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?