1,204

Apr 27, 2020 @ 12:25
By

Gamot vs COVID, STD nakulimbat! Ospital sa Baclaran, exclusive para sa mga Chinese

Nabuking ng mga awtoridad ang isang iligal na health facility sa Baclaran, Parañaque kung saan tanging mga Chinese lang umano ang ginagamot.

Ayon sa report sa ‘Unang Balita’ ng GMA, nagulat na lamang umano ang mga residente ng maging Chinese hospital ang isang commercial establishment sa Baclaran.

Nang pasukin ng awtoridad ay dito tumambad ang ilang mga kama para sa mga pasyente, kung saan sinasabi na tanging mga Chinese lamang umano ang ginagamot dito.

Bukod pa dito ay nasamsam din ng mga awtoridad ang ilang mga gamot kung saan Chinese character lang ang nakasulat.

Napag-alaman na ang mga nasabing gamot ay para sa mga sexually transmitted disease, HIV, pati na rin ang mga hindi rehistradong gamot para sa COVID-19.

Paliwanag ni Parañaque City health officer Dr. Olga Virtusio, ang nasabing ospital ay para lamang sa mga Chinese, partikular ay posibleng nagsisilbing pagamutan din ng mga Philippine offshore gaming operator (POGO) worker.

Pangamba naman ni Baclaran barangay chairman Jun Sayde, posibleng pinagdadalhan ng mga babaeng biktima ng human trafficking ang nasabing establisimiyento dahil sa mga nakuhang gamot kontra STD.

Pinasara na ang nasabing Chinese hospital at pinag-aaralan na ang pwedeng isampang kaso kontra sa mga namamahala dito.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?