46

Sep 9, 2021 @ 19:50
By

Galvez ginisa sa delay na pagpirma ng kasunduan para sa bakuna

Kinuwestyon ng mga mambabatas ang delay na pagpirma ng national government sa mga tripartite agreement para makabili ng COVID-19 vaccine ang mga local governments unit (LGU) at pribadong sektor.

Sa pagdinig ng House Committee on Economic Affairs ngayong Huwebes, sinabi ni AAMBIS-OWA Rep. Sharon Garin na nakabili na ng 161 milyong dose ng bakuna ng gobyerno at sapat na ito para mabakunahan ang 70% ng populasyon ng bansa.

“Maybe it’s time that we allow this private companies that can help our LGUs or LGUs themselves which have the funds to do so pwede na silang umorder kasi mauuna naman dumating yung naunang order,” sabi ni Garin.

Tinanong naman ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez si National Task Force Against COVID-19 chief implementer at Vaccine czar Carlito Galvez kung bakit hindi pa napipirmahan ang multi party agreements (MPAs) sa pagitan ng NTF, vaccine manufacturers at LGU o pribadong sektor.

“If you approved this last March, April and May the vaccines would have arrived,” sabi ni Rodriguez.

Ipinunto rin ni Rodriguez na sa ilalim ng COVID-19 Vaccination Program Act (RA 11525) na naging batas noong Pebrero ay pinapayagan ang Department of Health (DOH) o NTF na pumasok sa negosasyon para sa LGU o pribadong sektor na nais bumili ng bakuna.

Sagot naman ni Galvez, kahit na napirmahan ang MPA noong Mayo o Hunyo ay walang darating na bakuna ngayon dahil ipinagbabawal ang importasyon ng bakuna mula sa India kung saan naroon ang Bharat Biotech (of India).

“No supply will come and will help our governors to vaccinate because the supply will come indefinitely in 2022…. because there is an indefinite ban of shipments of vaccines from India,” punto ni Galvez.

Bukod dito ay hindi umano maaaring pirmahan ang MPA ng hindi tiyak kung kailan darating ang suplay sa bansa. Isa umano itong paraan upang maproteksyunan ang pondo ng mga LGU at pribadong sektor.

Pero punto ni Garin, matapos ang huling order ng Pilipinas ng 400,000 dose ng bakuna noong Hulyo ay maraming bansa ang naka-order pa at umaabot ito sa 2 bilyong dose.

“That just shows that there will be a supply. Sige lang sila ng order. Everybody knows there’s a shortage but there are still orders coming in,” sab ni Garin.

Sinabi naman ni Rodriguez na parang nagpapaka-diyos ang gobyerno.

“The national government is playing God here. They say they want to protect the LGUs, but the LGUs are protecting themselves,” wika pa ni Rodriguez.

Ayon kay Rodriguez, alam ng mga LGU kung papaano pangangalagaan ang kanilang pondo.

Kung napirmahan na umano ang mga kasunduan ay nakapila na ito at mabibigyan kapag mayroon ng suplay.

“They should already have their MPAs and submit it already and be online with the supplier so that when they have already supply, they can give. Kung wala tayong naka-pipeline doon, talo tayo ng ibang countries na nagdadala na dun ng kanilang kontrata,” dagdag pa ni Rodriguez.

Nauna rito ay sinabi ni Galvez na dumating na sa bansa ang mahigit 52 milyong dose ng COVID-19 vaccine mula sa iba’t ibang manufacturer.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?