481

Feb 27, 2020 @ 15:47
By

Galunggong sa Palawan sumadsad sa P30 kada kilo

Matapos papasukin ng administrasyong Duterte ang imported galunggong sa bansa, bumagsak ang farmgate price ng galunggong sa Palawan, mula P60 patungong P30 kada kilo.

Ayon sa Pambansang Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya), 45,000 toneladang galunggong at iba pang mga isda ang pinayagan ng Department of Agriculture (DA) na ianggkat nung 2019 para pababain ang presyo sa harap ng shortage.

Ang pagbagsak ng presyo sa farmgate na tatapyas sa kita ng mga mangingisda ang inaalala ng Pamalakaya noon pa.

Sabi ni Pamalakaya – Palawan chair Annalie delos Santos, panay ang sabi nila sa pamahalaan na ang pag-aangkat ng isda ang hihila pababa sa farmgate price ng isda at hindi ito magtitiyak na bababa nga ang presyo sa palengke ng mga isda, pero hindi sila pinakinggan.

Habang nasa P170 hanggang P200 per kilo ang presyo ng galunggong, sumadsad na sa P30 per kilo ang farmgate price kaya nganga ang mga mangingisda, wika ni delos Santos.

Lalo pang binabarat ang mga mangingisda ng mga trader na sinasabihan silang hindi madadala sa Maynila ang kanilang huli upang lalong mababaan ang presyo. Sa Palawan galing ang 92% ng mga galunggong na binebenta sa Navotas na siyang nagsusuplay sa buong Metro Manila at sa ibang lugar sa Calabarzon.

Panawagan ng Pamalakaya sa pamahalaan, makialam na ito at magpataw ng price control sa mga private trader para hindi nito dinidehado ang mga mangingisda at para na rin makontrol nito ang presyo sa merkado para sa mga mamimili.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?