461

Aug 24, 2018 @ 18:34
By

Galunggong sa 3 malalaking palengke, negatibo sa formalin – DA

Nagnegatibo sa formalin ang mga galunggong mula sa tatlong malalaking palengke, sa pagsusuri ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).

Ito ang ibinahagi ni Agriculture Usec. Eduardo Gongongon at aniya ang mga sinuring galunggong ay kanilang nabili sa Balintawak Market, Nepa-Q Mart at Navotas Fish Port.

Ngunit ibinahagi ng opisyal na nakitaan nila ang ilang isda ng bakas ng formaldehyde.

Paliwanag ni Gongongon, ang formaldehyde naman ay normal na lumalabas sa mga patay na isda.

Sinabi pa nito na patuloy silang mag-iikot sa mga pamilihan para suriin ang mga inilalakong isda.

Una nang inanunsiyo ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng 17,000 tonelada ng galunggong para maibsan ang kakulangan ng suplay nito sa bansa simula sa Setyembre 1.

Nangangamba naman ang isang grupo ng mga mangingisda na ang papasok na mga imported na isda ay ibinabad sa formalin para matagal itong magmukhang sariwa.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?