larry
By

Gadon, pinakakasuhan sa pagmumura

Sharing is caring!

Inuudyukan ng grupong Makabayan si dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño para maghain ng reklamo laban kay Atty. Larry Gadon dahil sa pagmumura at pagtaas ng kanyang middle finger sa mga tagasuporta ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Baguio City.

Sinabi ito ni Anakpawis Partylist Rep. Ariel Casilao matapos sabihin ng Integrated Bar of the Philippines na maaaring imbestigahan si Gadon sa inasal nito kung may maghahain ng reklamo sa mga nakasaksi at nabastusan sa ginawa nito.

Ayon kay Casilao, nasa Baguio si Casiño nang mangyari ang insidente kaya puwede itong maghain ng kaso laban kay Gadon.

“We will urge our colleagues, for example, former congressman Teddy Casiño was there in Baguio, probably to file a case against Gadon,” sabi ni Casilao.

Matatandaang minura at tinawag ni Gadon na mga bobo at tanga ang mga tagasuporta ni Sereno nang kantiyawan siya habang dumadalo sa oral argument para sa quo warranto petition laban sa Punong Mahistrado.

Tinukoy ni Casilao ang Code of Professional Responsibility kung saan nakasaad na ang isang abogado ay hindi dapat nasasangkot sa mga gawaing may masamang epekto sa kanyang trabaho.

“Malinaw ‘yung pinakita niya, ‘yung pagpasok niya ay parang inosente, nakayuko, pero nu’ng nakalagpas na siya sa grupo at nakorner na ng mga kapulisan, doon umasta na rin siya na parang g*g* rin,” ani Casilao.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?