110

Aug 9, 2021 @ 21:07
By

Gabriela sa Palasyo: Tama na pagbubuhat ng bangko

Tinuligsa ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Rep. Arlene Brosas ang pagkuha umano ng administrasyong Duterte ng kredito sa tagumpay ng mga atletang Pilipino na lumaban sa Tokyo Olympics.

Ayon kay Brosas sa halip na angkinin ang kredito dapat ay humingi ng tawad ang administrasyon sa pagkabigo nito na ibigay ang kinakailangang suporta ng mga atleta.

“Our advice to the Duterte administration: tama na ang pagbubuhat ng bangko dahil hindi naman kayo kasali sa weightlifting competition. The only statement that we need to hear is a sincere apology to the athletes from the government for not being able to provide them with financial support when they needed it the most,” sabi ni Brosas.

Ipinunto ni Brosas na P1.3 bilyon lamang ang inilaan ng gobyerno sa Philippine Sports Commission (PSC) ngayong taon malayo sa P19.1 bilyong pondo ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

“Ang tagumpay ng mga atletang pinoy ay tagumpay nila, hindi ng kung sino mang pulitiko na gustong gamitin ang kanilang naabot para magpapogi at magpaganda sa darating na eleksyon,” dagdaga pa ni Brosas.

Ayon kay Brosas maraming atleta ang naglabas ng sariling pera at lumapit sa mga pribadong indibidwal para lamang makapagsanay sa kanilang laban sa Tokyo.

Ipinaalala rin ni Brosas na isinama si Diaz sa matrix ng mga nais daw magpabagsak sa administrasyon matapos siyang lumabas para manghingi ng tulong sa pribadong sektor dahil kulang ang pondo mula sa gobyerno.

Kung anong tapang umano ng gobyerno na mang-angkin ng kredito sa tagumpay ng mga atleta ay siya namang hina nito na akuin ang kanilang sariling pagkakamali.

Makibahagi: Ano ang masasabi mo sa balita na ito?